Sa Ano Nabubuhay Ang Tao
出版:Sa Ano Nabubuhay Ang Tao
Sa Ano Nabubuhay Ang Tao-1
[Transcriber's note: Mistakes in the original published work has been
retained in this edition.]
[Paalala ng nagsalin: Hinayaang manatili sa edisyong ito ang mga
pagkakamali sa orihinal na pagkakalimbag.]
Sa Ano Nabubuhay Ang Tao
I
KATHANG-SALAYSAY NG KONDE LEON TOLSTOY
NA NASALIN SA WIKANG KASTILA
AT ISINALIN NAMAN SA TAGALOG
NI
SOFRONIO G. CALDERON
Ikaw ay yumaon ... at malalaman mo:
I. Ang sumasatao;
II. Ang hindi ipinabatid sa tao; at
III. Ang bumubuhay sa tao.
M. COLCOL & Co.
Publisher
878 Rizal Avenue, Manila
SA ANO NABUBUHAY ANG TAO
Páhiná 3
I
Isang magsasapatos ay nananahanan sa isang nayon na kasama ang kanyang asawa't
anak. Sila'y nakatira sa bahay ng isang mujik (may pagawaan ng sapatos),
sapagka't sila'y walang bahay o lupa man at bahagya nang makakita ng kanilang
maipagtatawid-buhay. Ang tinapay ay mahal, at may kahirapan ang panahon; kung gaano
ang makita niya ay kanilang pinagkakasiya, siya'y walang anumang tinatangkilik at ang
kanyang asawa'y wala kundi iisang chuba[1] na totoong luma na. May ilan nang taong
naghahanap ng salapi ang magsasapatos upang maibili ng mga balat ng tupa at ng
kanyang magawang bagong chuba o pambalabal.
Ng panahong tagulan ay nakatipon ng kaunti, ng tatlong rublo na kanyang
naingatan sa sisidlan ng kanyang baba (asawa). Sa kapit nayon ay may
nagkakautang sa kanya ng limang rublo at dalawang pung kopek [3].
Isang umaga ay pinasiyahan ng magsasapatos na maghanap ng mga katad.Páhiná 4 Nagbihis, nagkubong sa ulo
ng isang panyo, isinilid sa bulsa ang tatlong rublo, kinuha ang kanyang
tungkod at pagkatapos na makapag-agahan ay yumaon.
Sisingilin ko sa muhik ang limang
rublo,—aniya,—idaragdag ko rito sa tatlo, saka ko ibibili ng mga
katad na magagawang chuba.
Pagsapit sa kanyang sinadyang nayon ay tinungo ang bahay ng muhik. Ang
muhik ay nakaalis na: at ipinangako na lamang ng baba na sa linggo ring
yaon ay dadalhin ng kanyang asawa ang kuwarta, nguni't walang ibinigay.
Sa ibang bahay ay ipinagtapat sa kanya na walang maibabayad, kundi dalawang
kopek muna. Iniisip ng magsasapatos na siya'y makauutang ng mga katad;
datapwa't di siya pinagkatiwalaan ng maytinda.
Bayaran mo ako,—ang sabi sa kanya,—at pumili ka ng iyong ibig,
sapagka't alam na namin kung gaano kahirap ang maningil.
Hindi nga nangyari ang panukala ng mag-sasapatos; wala naman siyang dala, liban na
sa dalawampung kopek na kanyang nasingil sa Páhiná 5 pagtatagpi ng isang valenki[1] na
sa kanya'y ipinagawa.
Sa sama ng kanyang loob ay napasa isang tindahan ng alak at iniinom ang kanyang
dalawampung kopek saka yumaong walang dalang katad. Ng umagang yaon ay di siya
nakaramdam ng ginaw at subali ay nainitan pa, dahil sa pagkainom ng alak. Sa
kalasingan ay tignan ninyo at pinaiikot ang tungkod at isinasaksak sa mga dakong
pinamumuuan ng tubig; natutuwa at pinapipihitpihit sa kanyang mga kamay ang mga
valenki; at nagsasalita ng ganito:
Wala man akong chuba o balabal ay naiinitan ako, sapagka't tumungga ako ng
kaunting alak; ang tiyan ko'y busog sa alak; anupang ipangangailangang ko ng isang
balabal na pampainit? Nilimot ko ang aking karalitaan; ako'y isang tao lamang; walang
kabuluhan sa akin ang lahat. Ako'y makapamumuhay na maigi ng walang balabal; hindi na
ako gagamit niyan kailanman. Ngunit totoong daramdamin ng aking asawa at may matwid.
Ipinaghahanap-buhay namin ang mga mujik, pakinabanganPáhiná 6 nawa nila ang aming
kapaguran. ¡Teka! Di mo ako dinalhan ng kuwarta. ¡Maraming salamat!
¡May Diyos! Sulong ..." Ganyan ang pagbabayad ng dalawampung kopek
lamang. Anong mapapakinabang sa dalawampung kopek? Itungga ng alak at wala na.
Saka sasabihing "¡Ang hirap!" ¡Aha, aha! ¿Ang hirap ko nga? Ikaw
ay may bahay, may hayop at lahat ng kailangan, at ako'y walang anuman. Ikaw ay may
kinakaing bunga ng iyong lupa, at ako upang kumain ay kailangang bumili; kailangan
ko'y tatlong rublo sa bawa't sanlinggo; kung dumating ako sa bahay ay wala
nang pagkain at maggugugol pa ako uli ng isang rublo't kalahati. Pagbayaran mo
nga ako ng iyong utang.
Papaganito ang kanyang anyo hanggang sa nakarating sa tabi ng isang simbahan, at
may namataan sa likuran nuon na wari maputi. Gumagabi na at ang magsasapatos ay
nagkantitignan.
Anong naroon? Wala namang batong maputi. Baka ba kaya, yaon? Hindi, hindi mandin
baka. Ayon sa ulo ay tila isang tao; Páhiná 7nguni't bakit maputi? At bakit magkakatao
rito?
Lumapit si Semel at lubos nalinawan! Katakataka! Tao nga; buhay o patay? Nakaupo,
na hubad; nakasandig sa pader ng simbahan, hindi gumagalaw. Ang magsasapatos ay
sinidlan ng takot at nasabi sa sarili:
—Pinatay; hinubdan ng damit at inihagis dito; kung lapitan ko ay baka ako pa
ang mapahamak.
Kanyang linagpasan, tinalikdan na sa kanyang paningin ang taong yaon. Makaraan ang
sandali, ay lumingon siya at nakita niyang ang tao'y lumayo sa pader at gumalaw na
wari tinititigan siya. Sa tuwi-tuwi na ay lalu siyang nahihintakutan, nag-antanda ang
magsasapatos at tinaya ang kanyang kalooban kung uurong o tatakas.
Kung siya'y lapitan ko,—dinidilidili niya—di malayong ako'y mapahamak.
Ano kayang tao ito? Tila mandin masama; dadaluhungin ako at ako'y hindi maliligtas.
Kung hindi man ako patayin ay hahalayin ako. Gayunman, hindi ako makapaghuhubad upang
bihisan ko siya, upang ipagkaloob ko Páhiná 8sa kanya iring tanging suot. Magtutumulin
ako.
At dinalas ang hakbang. Pagdaka'y napatigil sa daan,—Anong inaasal mo sa
sarili. Anong gagawin mo? Namamatay ang isang tao at iyong kinatatakutan at
nilalayuan. Mayaman ka na ba kaya? Natatakot ka bang mawalan ng kayamanan? Ano,
Semel, ito'y hindi magaling.
II
Pagdaka'y bumalik si Semel sa simbahan at tinungo ang tao. Pagkalapit ay minasdang
maigi. Ang taong yaon ay bata pa at may mabuting katawan. Wala namang anumang bugbog
na nababakat sa kanyang katawang hubad, nguni't nanginginig sa ginaw at parang
nagulat. Sa pagkasandal sa pader ay hindi tumitingin kay Semel; sa pagkahiya mandin
ay hindi man lamang maidilat ang mga mata. Tinunghan ni Semel at agad nabuhay ang
loob ng taong yaon, idinilat ang mga mata, inilingon ang ulo at minasdan si
Semel.
Pagkamalas ng magsasapatos ng tinging yaon ay nagtaglay ng pag-ibig doon sa taong
Páhiná 9di niya
kilala. Inilapag ang kanyang dalang bota; kinalag ang kanyang sinturon at naghubad ng
sako.
—Hala,—aniya,—huwag ka nang magbadya pa ng anuman; magbihis ka;
madali ka; hala, dali-daliin mo ...
Tinagnan ni Semel sa bisig yaong di niya kilala, ibinangon, itinayo, saka minasdan
ang kanyang katawang maganda. Maputi at pati nga ng kanyang kaayaayang mukha.
Ipinatong ni Semel sa mga balikat ang sako; nguni't di matumpakan ng lalaki ang
pag-susuot ng manggas. Isinuot ni Semel, ibinutones, nilagyan ng sinturon, inalis ang
kanyang gorang sira-sira at isusuot sana, datapwa't nakaramdam siya ng ginaw sa ulo
at inisip:
—Ako'y kalbong-kalbo, at siya'y may mahahabang buhok na kulot.
At muling isinuot ang gora.
—Mabuti manding suutan siya ng bota.
At pagkaluhod sa siping nuong lalaki, ay isinuot ang mga bota niyang dala. Saka,
ng maitindig niya, ay kanyang pinagsalitaang:
—Ano, kapatid! Hala, gumalaw ka ng Páhiná 10kaunti. Ikaw ay magpainit. Huwag na tayong
magluwat dito. Tayo na.
Nguni't ang lalaki ay nakatayo pa, di umiimik, malugod na minamasdan ni Semel; di
makapagbigkas ng isa man lamang salita.
—Anong nangyayari sa iyo? Bakit di ka magsalita? Hindi maaaring magparaan
tayo ng taginaw rito. Kailangang umuwi tayo ng bahay. Eto ang aking tungkod, iyong
tungkurin kung nanghihina ka; hala, tayo na.
At ang lalaki ay lumakad at di naiwan.
Sila'y magkasabay at nangusap si Semel.
—Tagasaan ka?
—Hindi ako tagarito.
—Kilala ko ang mga tao sa lupang ito; eh, bakit nasa likuran ka ng
simbahan?
At ang tugon ng kasama:
—Hindi ko masabi.
—Ikaw baga'y hinarang?
—Hindi, walang humarang sa aking sinuman; pinarusahan ako ng Diyos.
—Alam na natin, na ang lahat ay galing sa Diyos; nguni't may pinagbubuhatan.
Saan ka paroroon?
—Páhiná
11Kahit saan.
Namangha si Semel. Ang taong ito'y walang pagmumukhang masama, ang boses niya'y
kalugod-lugod, nguni't walang ipinagbabadya na tungkol sa kanyang sarili. Inisip ni
Semel na may mga bagay na di masaysay at pinagsalitaan ang kasama.
—Sumama ka sa aking bahay at ng mainitan ka.
Nagpatuloy lumakad at sinabayan ng kasama. Humihip ng malakas ang hangin at
pinaspas ang baro ni Semel. Sapagka't napawi na ang alak, ay nagdamdam ng ginaw.
Nagmadaling nagbububulong at iniisip:
—¡Mabuting gawa ito! Mabuting balabal ang dala ko! Ako'y nanaog upang
bumili ng isang balabal, at sa pagbalik ay wala man lamang ako kahi't sako at may
dala pa akong isang taong hubad. Di nga ako katutuwaan ni Matrena.
Si Matrena, ay ang kanyang asawa. Sa ganitong pag-aala-ala kay Matrena ay
nagulomihanan si Semel; nguni't paglingon niya sa kasama ay naalaala niya yaong
tinging ipinamalas sa kanya mula roon sa simbahan Páhiná 12at muling nagdamdam ng kagalakan sa
kalooban.
III
Ang asawa ni Semel ay nag-ayos ng bahay na maaga; nagsibak ng kahoy, sumalok ng
tubig, nagpakain ng mga bata at kumain pati siya, saka nag-isip. Iniisip ang kakanin,
nararapat kayang ihanda ngayon o bukas. May natitira pang kaunti sa paminggalan; kung
si Semel ay nakakain na sa nayon at hindi humapon mamayang gabi ay may kasiyang
pagkain sa kinabukasan. Muli't muling tinignan ang nalalabing pagkain.
—Hindi ako magtitinapay ngayon,—aniya;—saka kakaunti ang aking
harina; baka sakaling umabot hanggang biyernes.
Pagkatapos na maitago ang tinapay, ay naupo si Matrena sa siping ng dulang upang
magsursi ng baro ng kanyang asawa; nananahi at inaalala si Semel, na namili ng
katad.
—¡Baka madaya pa ng maytinda! Napakahangal ang asawa ko. Siya ang di
marunong magdaya kaninuman at napadadaya maging sa bata. Sa halagang walong
rublo ay makabibili na ng isang mabuting balabal; Páhiná 13hindi kabutihan, nguni't
may kaigihan na. Totoong nagbata kami ng taginaw na iri dini sa iisang balabal. Hindi
makapaglaba sa ilog ng wala niyan, at eto, upang makalakad ay dinala ang aking suot.
Hindi ako makapanaog ng ganiri!... Pagkaluwat! Naparaan ba kaya sa tindahan ng
alak?
Kabibitaw pa lamang sa bibig ng mga salitang ito, ay siyang pagkarinig ng mga
yabag ni Semel sa may hagdanan. Iniwan ni Matrena ang sursihin at napatungo sa silid.
Nakita niyang nasok, ay dalawang lalaki, na walang sombrero at nakabota. Malayo pa'y
nahalata na ni Matrena, na ang kanyang asawa ay naglasing.
Siya ko na nga bang kutog ng loob, aniya.
Pagkakitang walang kapote at nangakalitaw ang mga kamay, walang imik at wari
nahihiya, ay kumaba ang loob ng abang asawa.
Iniinom nga ang kuwarta. Nakipaglasingan sa isang hampas-lupa at ngayo'y dala
rine. Wala na kami kundi ito lamang.
Pinabayaan niyang magtuloy sila at kanyang sinundan na di umiimik.
Páhiná
14Napaghalata niya na ang kasama ay may kabataan, payat, putlain, nakakapote na
walang baro sa katawan at wala ni gora. Ng makapasok na ay tumigil na walang kibo at
nakatungo. Inisip ni Matrena.
Suwitik ito, nahihiya pa, naghihintay ng mangyayari.
Nag-alis ng gora si Semel at umupo sa bangko na parang isang batang mabait.
—Oy, Matrena,—aniya—pahahapunin mu ba kami?—Hindi pa ako
kumakain.
Si Matrena ay hindi lumilingon na nagbububulong. Tumigil sa may kusina, saka
minasdang isa-isa, na iiling-iling at di kumikibo.
Nahalata ni Semel na galit ang kanyang asawa; nguni't anong gagawin? Sapagka't
walang may ibig, ay tinagnan niya sa kamay ang kasama at sinabing:
—Maupo ka, kapatid. Humapon tayo.
Ang kasama ay naupong walang imik.
—Ano Matrena; hindi ka ba naghanda ng hapunan?
—Oo't naghanda ako; nguni't hindi sa iyo; ikaw ay naglasing hanggang Páhiná 15sa mawalan ka
ng isip ... Ikaw ay bibili ng isang bagong balabal at umuwi ka pa ng walang kapote.
Sa ikalulugmok natin ay nagsama ka pa ng isang hampas-lupa. Ako'y walang maipahahapon
sa mga lasing.
—Siyana, Matrena; walang kailangang magsalita upang wala nang pag-usapan.
Lalong magaling ang itanong mo sa akin kung sino ang taong ito.
—Pasimulan mong sabihin sa akin kung saan mo iniwala ang kuwarta,—ang
tugon ng asawa.
Dumukot si Semel sa bulsa at inilitaw ang tatlong rublo.
—Eto ang kuwarta; si Trofimoy ay hindi nagbayad, nangako sa akin bukas
na.
Si Matrena ay lalong nag-init. Sa aba ng balabal, at pati ng kaisa-isang kapote ay
ibinigay pa sa isang hampas-lupa na dinala rini sa ikadaragdag sa hirap. Eto ang
kuwarta at saka dinugtungan.
—Wala akong hapunan; hindi ako makapagpapakain sa mga hampas-lupang
lasing.
—Oy, Matrena, huwag kang maingay at dinggin mo iring aking sinasabi!
—Páhiná
16Ako! Makinig ng mga kaululan ng isang walang hiyang lasing! May matuwid ako na
umayaw na maging asawa kita! Iniwanan ako ng aking ina ng pambili ng damit at iniinom
mo ng alak; ngayo'y bibili ka ng isang balabal at iniinom mo rin.
Hindi magawing maipaaninaw ni Semel, na dalawampung kopek ang kanyang
iniinom at gayon din na kung paanong kanyang nasumpungan ang kanyang kasama; ayaw
paraanin ni Matrena ang kanyang salita, sunud-sunod ang kanyang salita, sunud-sunod
kung tugunin siya. Pati nuong nangyari ng may sampung taon, ay ipinamumukha pa sa
kanya. Salita pa ng salita, at saka tinagnan si Semel sa manggas.
—Isauli mo sa akin ang suot ko, wala kundi iyan at kinuha mu pa; siya mo
ngayong suot, asong galisin. Hindi ka pa tangayin ng diyablo!
Huhubdin na ni Semel; binaltak ng asawa at natastas ang mga tahi; sa
katapus-tapusan ay tinagnan ni Matrena ang suot, isinuot at napasa dakong pinto upang
yumaon, nguni't agad napatigil sa galit; wari ibig makipagkaPáhiná 17alit kahi't kanino at
mabatid kung sino ang taong yaon,
IV
Tumigil si Matrena sa tabi ng pinid at nagsabing:
Kung iya'y mabuting tao, ay hindi sana hubad; magkakaroon man lamang ng baro. Kung
ikaw ay gumawa ng isang mabuting gawa, ay sasabihin mu sana sa akin kung saan
nanggaling ang palaboy na ito.
—May tatlong oras nang sinasabi ko sa iyo, nguni't di mo ako dinidinig.
Nagdaraan ako sa tabi ng simbahan, ay nakita ko ang binatang ito na halos naninigas
at hubad; wala nga tayo sa panahong tag-araw. Inakay ako ng Diyos sa kanya; na kung
di gayon ay namatay sana ito ngayong gabi. Anong gagawin ko? Siya'y aking binihisan,
binalabalan at aking ipinagsama. Tumahimik ka nga, Matrena, iya'y isang kasalanan.
Tayong lahat ay para-parang mamamatay.
Si Matrena ay nagbuka ng bibig upang sumagot. Biglang napatingin doon sa di kilala
at tumahimik. Nakaupo sa bangko na di umiimik, Ang kanyang dibdib ay nanlalaki, Páhiná 18halos
magputok, na nakayakap ang mga kamay sa mga tuhod, nakatungo ang ulo, naka-pikit ang
mga mata, na parang napipighati. Napatahimik si Matrena. Siya'y malugod na
pinagsabihan ni Semel.
—Matrena; nawala na ba kaya ang Diyos sa iyong kalooban?
Pagkarinig nito ng asawa ay napatingin doon sa di kilala, na nakatingin naman sa
kanya, at ang kanyang kalooban ay nabagbag. Siya'y muling nasok at upang maghanda ng
hapunan. Siya nga ay naghain at kanyang inihain ang kahuli-hulihang tinapay.
—Hala, kumain ka,—ang sabi.
Binatak ni Semel ang binata hanggang sa dulang.
—Lumapit ka kapatid.
Pumutol ng tinapay, binasa at nagpasimulang kumain.
Si Matrena ay naupo sa isang sulok na nakapangalumbaba at nakapatong ang mga siko
sa mga tuhod saka minasdan yaong hindi kilala.
Nagdalang habag siya; at nagtaglay siya ng habag sa kaaba-abang yaon. Agad nagaPáhiná 19lak ang
kalooban ng di kilala at pagtataas ng ulo ay tuminging napangiti doon sa abang babae.
Pagkatapos ng pagkain ay iniligpit ng asawa ang mga pinggan at nagsabing:
—Saan ka nanggaling?
—Ako ay hindi tagarito.
—Bakit nasa tabi ka ng simbahan?
—Hindi ko masabi.
—Sinong naghubad sa iyo?
—Pinarusahan ako ng Diyos.
—At hubad ka na bang ganyan?
—Nanatili ako roong hubad. Ako'y naninigas sa ginaw, nakita ako ni Semel at
nahabag sa akin; isinuot sa akin ang kanyang damit at pinasunod ako sa kanya. Ikaw ay
nagdalang habag sa aking hirap; iyo akong pinakain at pinainom. Pagpalain ka nawa ng
Diyos!
Si Matrena ay tumindig, binuksan ang kanyang baul at kinuha ang limang baro ni
Semel na kanyang sinursihan at upang maisuot sa kinabukasan, kinuha ang salawal at
pagkabigay niya ng mga yaon doon sa di niya kilala ay magiliw na sinabing tanggapin
mo, nakita kong wala kang baro; magbihis ka at Páhiná 20mahiga ka kung saan mo ibig, sa bangko o
sa kusina.
Nag-alis ng balabal ang di kilala, isinuot ang baro at nahiga sa bangko. Pinatay
ni Matrena ang ilaw at sinunggaban ang balabal at nahiga sa silid sa siping ni Semel;
ginamit ang balabal nguni't hindi makatulog; ang sumasaulo niya ay yaon di kilala at
saka kanyang naiisip na naubos ang lahat ng tinapay na nalabi at wala silang makakain
sa kinabukasan. Naibigay pa ang baro at salawal ni Semel; siya'y namamanlaw at hindi
mapalagay. Nguni't sa pagkaalala niya ng ngiti niyaong taong hindi kilala ay
nasiyahan ang kanyang loob. Maluwat-luwat na di nakatulog si Matrena. Si Semel man ay
hindi rin makatulog at namimilipit sa balabal.
—Semel!
—Ay!
—Ating naubos ang lahat ng tinapay. Hindi ako nagtinapay ngayon. Anong
gagawin natin bukas? Manghihiram ba kaya ako kay Melania ng ating makakain bukas?
—Bahala na. Hindi magkukulang ng pagkain.
Páhiná
21Sandaling napatahimik.
—Tila mabuti ang taong ito.
—Bakit kaya ayaw magsabi kung sino siya?
—Walang salang siya'y pinagbabawalan.
—Semel!
—Ano?
—Tayo'y nagbibigay, at sa atin ay walang nagbibigay.
Walang naisagot si Semel.
—Siya ka na ng kauusap,—ang sabi, saka pumihit.
At nangakatulog.
V
Si Semel ay gumising na maaga; natutulog pa ang mga bata; ang asawa'y yumaon upang
manghingi ng tinapay sa kapitbahay; yaon lamang di kilala ang nakaupo sa bangko, na
nakatingala sa kisame. Ang kanyang pagmumukha ay lalong tiwasay kaysa tinalikdang
araw.
Sinabi ni Semel:
—Ano nga kapatid; ang tiyan ay nangangailangan ng pagkain at ang katawa'y
nangangailangan ng damit. Kailangan ngang Páhiná 22mamuhay, magkasiya sa sarili. Marunong ka
bang gumawa?
—Wala akong nalalaman.
Idinilat ni Semel ang mga mata at nagsabing.
—Natututuhan ang balang ibigin, kailan ma't di kukulangin ng pagkukusa.
—Lahat ay nagsisigawa; gagawa rin akong gaya ng iba.
—Anong pangalan mo?
—Mikhail.
—Kung gayon, Mikhail, ayaw kang magsabi ng anuman tungkol sa iyong buhay,
mabuti, nguni't kailangang kumain; kung susundin mo ang aking sasabihin, ay aampunin
kita.
—Tulungan ka nawa ng Diyos! Turuan mo ako, ituro mo sa akin ang di ko
nalalaman.
Sumunggab si Semel ng kanyamo at binaluktot.
—Ito'y hindi gawain noong isang Huwubes; tignan mo.
Tinagnan ni Mikhail, tuloy inabot ang kanyamo, binaluktot, at agad itinuro sa kan
Páhiná 23ya ni Semel
ang pagtabas, pagtahi, pagbutas, paglalapat ng suwelas, at pag-aanyo ng tahi. Sa
ikatlong araw ay natutuhang lubos ni Mikhail ang buong paraan ng paggawa; ang kanyang
kaliksihan ay gayon na lamang, na parang isang daan nang taong manggagawa ng sapatos.
Walang sinayang na sandali; kaunti kung kumain. Pagkatapos ng kanyang gawa ay
tumatabi sa kanyang sulok na nakatungong walang imik; bahagya nang magsalita, hindi
tumatawa kailanman; hindi umaalis sa bahay; at hindi siya nakitang ngumiti, kundi
miminsan, nuong unang gabi na pahapunin siya ng asawa ni Semel.
VI
Nagdaan ang araw at araw, linggo at linggo hanggang sa umabot ng isang taon. Si
Mikhail ay patuloy pa rin ng pagtulong sa bantog na kay Semel; walang ibang
nakagagawa ng magagaling at matitibay na bota na makahihigit pa kay Semel. Sa tanaw
lamang ay kilala na siya at unti-unting yumaman si Semel.
Isang araw ng tag-inaw, na gumagawang magkatulong ang dalawang magpanginoon, Páhiná 24ay sa darating
ang isang voyok o karwahing hila ng tatlong magagaling na kabayo, na
nagtutunugang masaya ang mga kampanilyang nakakuwintas, at sa titigil sa harap ng
pintuan nila. Bumaba sa piskante ang isang alila na nagbukas ng pinto, at ang sakay
na isang barini o isang maharlika ay bumaba na nababalot ng isang magaling na
balabal. Nanhik sa hagdanan. Binuksan ni Matrena ang pintuan. Ang barini ay
yumuko na nasok at tumayong matuwid; ang ulo ay halos masukdol sa kisame at
nalalaganapan niyang mag-isa ang isang sulok ng kabahayan. Si Semel ay bumating may
pagkamangha sa barini. Kailanman ay di siya nakakita ng taong gaya niyaon. Si
Semel ay natigilan, si Mikhail ay walang imik; si Matrena ay naging parang isang
tuyong punong kahoy. Ang taong yaon ay masasabing parang galing sa ibang mundo; ang
kanyang pagmumukhang malaki at mabilog at ang kanyang leeg-toro ay nakapaglalarawan
sa kanya ng isang kakaibang taba.
Pagkahinga ng buong lakas ay nag-alis ng balabal ang barini, naupo sa
bangko at nagsabing:
—Páhiná
25Sino sa inyo ang maestro sapatero?
Si Semel ay lumapit.
—Ako po, Kagalang-galang.
Tinawag ng barini ang kanyang alila; iabot mo sa akin ang katad, Fedka.
Dinala ng alila ang isang balutan, inilapag sa hapag (mesa).
—Buksan mo ang balutan.
Ang alila ay sumunod.
Itinuro ng barini kay Semel ang katad.
—Nakikita mo bang maigi, magsasapatos?
—Opo, Kagalang-galang.
—Nakikilala mo ba kung anong uri iyan?
Pinitik ni Semel ang katad at nagsabing:
—Iyan po ay pinakamabuting uri.
—Oo nga, iya'y pinakamabuting uri, tulig; kailanman ay hindi ka nakakita ng
gaya niyan; iyan ay katad na galing sa Alemanya, nalaman mo ba? Ang halaga ng katad
na iyan ay dalawampung rublo.
Si Semel ay natatakot-takot na tumugon:
—Paanong ibig ninyong kilalaning ko?
—Mabuti. Maigagawa mo ba kaya ako ng mga bota sa katad na ito?
—Opo, Kagalang-galang.
Páhiná 26Ang
barini ay nagbigkas.
—Mangyari! Tignan mong mabuti ang tao na nagpapagawa sa iyo niyan at pati ng
kainaman ng katad na iyan; igawa mo ako ng mga bota na magluluwat ng isang taon; na
isang taon kong magagamit na hindi man lamang masisira o mapapahiwid. Kung magagawa
mo ay tanggapin mo ang katad na ito at iyong tabasin; kung hindi naman ay iyong
tanggihan. Aking ipinagpapauna sa iyo, na kung ang mga botang iyan ay masira bago
mag-isang taon ay ipapasok kita sa bilangguan, kung magtagal sa akin ng isang taon ay
pagkakalooban kita ng sampung rublo.
Si Semel ay nagitla, nagdili-dili, hindi niya malaman ang gagawin. Tinignan niya
si Mikhail, kanyang siniko at itinanong kung maaaring tanggapin o hindi.
Tinanguan siya ni Mikhail, at tinanggap ni Semel na nangako na kanyang gagawing
mga bota na hindi masisira o mapapahiwid man lamang sa loob ng isang taon.
Tinawag ng barini ang alila. Iniunat ang kanyang paa, at nagsabing kung
gayon ay sukatan mo ako, ang paa ng barini ay napa Páhiná 27kalaki na nangailangang
gumupit pa ng ibang papel bagaman ang una ay napakalaki na. Sinukat ni Semel ang
talampakan, ang ibabaw ng paa at saka sinukat ang binti; nguni't ang papel ay hindi
nag-abot na maigi, ang binti ay napakataba. Habang kinukunan ng sukat ni Semel, ay
lilingap-lingap ang barini sa lahat ng dako. Namataan si Mikhail.
—Sino ito?—ang tanong.
—Siya kong manggagawa—ang sabi ni Semel.
—Magpakaingat ka! Dapat magluwat ng isang taon.
Tinignan ni Semel ang pagkatungo ni Mikhail at kanyang nahalata na wala sa loob
nito ang barini, kundi nakatingala siya sa ulunan ng barini na parang
may nakikita siya. Si Mikhail ay tingin ng tingin. Agad napangiting masaya.
—Anong ikinatatawa mo?—ang tanong ng barini. Pag-ingatan mo, na
ang mga bota ay iyong mayari sa takdang panahon.
Si Mikhail ay sumagot:
—Mangyari, kailanman at kailanganin.
—Páhiná
28Mangyari,—ang bigkas ng barini na sabay isinuot ang balabal. Tumungo sa
may dakong pinto; nguni't nakalimot yumuko, at naumpog ang ulo sa halang, na anupa't
nagbubulong sa galit. Agad lumamig ang ulo, kinuskos ang noo at sumampa sa
vosok.
Pagkaalis ng barini ay sinabi ni Semel.
—Ito nga ang matibay na parang puno ng kahoy; nasira ang halang at bahagya
nang naramdaman.
At sinabi ni Matrenang:
—Sa taglay niyang pamumuhay ay mabuting tao kaya? Parang bakal mandin at di
madadaig ng kamatayan ng gayun-gayon lamang.
VII
Hinarap ni Semel si Mikhail.
—Tinanggap natin ang biling ito,—aniya,—baka tayo'y mapahamak.
Ang katad ay mahal, ang barini ay magagalitin; huwag lamang tayong magkamali
ay ... Ang iyong mata ay malinaw kaysa akin; ang iyong kamay ay lalong tumpak; naito
ang sukat, tabasin mo ang katad at samantala ay gagawing ko ang iyong ginagawa.
Páhiná 29Sumunod
si Mikhail, tinagnan ang katad, iniladlad at pinasimulang tinabas.
Tinitignan ni Matrena, na hirati sa gayong gawain, at ikinamangha na tinabas ni
Mikhail ang katad sa isang anyo na hindi magagamit na pambota. Ibig niyang magsalita,
nguni't kanyang naisip:
—Marahil ay hindi ko naulinigan kung anong anyo ng bota ang kailangan ng
barini; nalalaman ni Mikhail ang ginagawa, at hindi ko siya pakikialaman.
Ginawa ni Mikhail na isang susuutin sa paa at tinahing parang sandalyas. Namangha
si Matrena, nguni't hindi siya pinakialaman, at ipinagpatuloy ni Mikhail ang pagtahi.
Dumating ang oras ng pagkain. Tumindig si Semel at kanyang napuna na ginawang
sandalyas ni Mikhail ang katad at hindi ginawang bota, bagay na nakapagtataka sa
isang tao na kailanman ay hindi nagkamali. Si Semel ay nakapagbigkas tuloy ng isang
badyang pamangha.
—Ating nasira ang katad; ano kayang sasabihin ko sa barini? Saan kaya
ako makakasumpong ng ganyang katad?
Páhiná 30At
sinabi kay Mikhail.
—Anong ginawa mo. Ako'y iyong ipinahamak, katoto. Hinihingan ako ng
barini ng bota. Nasaan?
Noon nga ay may tumuktok sa pintuan. Sa dungawan ay nakita ang alila ng
barini, na nagtatali ng kanyang kabayo sa pintuan. Pinagbuksan ni Semel at ang
alila ay patang-pata sa pagod.
—Magandang gabi po, suki.
—Magandang gabi rin pu naman. Anong nangyayari?
—Inutusan pu ako ng asawa ng barini upang kunin ang mga bota.
—Ang mga bota?
—Opo, hindi na pu kailangan ng barini; hindi na pu niya maisusuot.
Nais sa inyo ng asawa ng barini na humaba nawa ang inyong buhay.
—Hindi pu nagawing dumating na buhay sa bahay. Namatay sa vozok o
karwahe. Dumating kami, aking pinagbuksan at nakita kong nakatimbuwang at bangkay.
Pinaghirapan namin ng paglalabas sa vozok. Inutusan ako sa inyo ng asawa ng
barini, na si Páhiná 31nabing:—Pumaroon kang sabihin mo sa
magsasapatos, na ang gawin ay sandalyas na pansuot sa bangkay at huwag bota na gaya
ng ipinasadya ng barini. Sabihin mong ipagmadalian. Ikaw ay maghintay at
dalhin mo ang mga sandalyas.
Dinampot ni Mikhail ang sandalyas at pati ng pinagputulang katad, binalot na lahat
at iniabot ang balutan sa alila, na naghihintay:
—Adiyos mga kapatid, tulungan nawa kayo ng Maykapal.
VIII
Nakaraan ang isang taon, dalawa, at may anim nang taon na si Mikhail ay na sa
bahay ni Semel. Ang buong pamumuhay, ay di rin nagbabago. Kailanma'y hindi siya
umaalis. Bahagya nang magsalita at mamakalawa lamang napangiti, na ang una, ay ng
hainan siya ng asawa ni Semel, at ang ikalawa'y ng dumalaw ang barini. Si
Semel ay tuwang-tuwa sa kanyang pangulong manggagawa at di niya tinatanong kung saan
galing; iisang bagay ang kanyang pinapanimdim, na baka si Mikhail ay lumayas.
Páhiná 32Isang
araw ay nagkakapisan silang lahat. Ang mga bata ay naglalaruan at nangaghahagaran sa
mga bangkong malapit sa mga dungawan. Si Matrena ay nagpapainit ng mga bakal na
pambaluktot; si Semel ay may hawak na pambutas; at si Mikhail ay nagtatapos ng isang
takong. Isa sa mga bata ay humilig sa balikat ni Mikhail na nasa tabi ng dungawan at
nagsabing:
—Tignan mo, Mikhail, naito ang isang tindera na may kasamang dalawang batang
babae; tila mandin paparito sa atin. Isa sa mga batang babae ay pipilay-pilay.
Pagkarinig ng mga salita ng bata ay iniwan ni Mikhail ang gawain at dinungaw. Si
Semel ay napataka; si Mikhail ay hindi nanunungaw kailanman at ngayo'y nakikita
niyang nakadukwang. Si Semel ay nakidungaw rin. Kanyang nakita nga, na may isang
babaing lumalapit, na maigi ang pagkabihis at may kasamang dalawang batang babae na
nangababalabalan ng katad at nangakapamindong sa ulo ng panyong lana. Ang dalawang
bata ay magkamukha at halos hindi mawari ang pagkakaiba nilang dalawa, Páhiná 33nguni't ang
isa sa kanila ay napipilay at kinakaladkad ang paa.
Ang babae ay tumigil sa pintuan, ibinukas ang pinto, at nasok na kasunod ang
dalawang bata.
—Magandang umaga po, mga maestro,
—Dumating nawa kayo ng maligayang oras. Anupung sadya ninyo?
Ang babae ay naupo, at ang mga bata ay hindi humiwalay sa kanyang siping.
—Ititingin ku po ng sapatos ang mga batang ito.
—Kailanman po ay hindi kami gumawa ng napakaliit, nguni't maigagawa namin
kayo ng inyong ibigin. Amin pung titignan kung maigagawa namin kayo ng aporong
basahan o ng katad. Sabihin ninyo ang inyong ibig. Si Mikhail na aking pangulong
manggagawa ay totoong matalino.
Lumingon si Semel at nakita niya na walang kaalis-alis ang mata sa mga bata.
Si Semel ay napamangha ng higit at higit. Tunay na ang mga munting batang yaon ay
magaganda, nakatutuwa, may mga pisnging namumula-mula at maiitim ang mata; ang Páhiná 34mga balabal at
ang mga pamindong ay napakarikit, nguni't hindi niya maunawa kung bakit nakahalina ng
gayon na lamang kay Mikhail, na para bagang kilalang-kilala na niya. Si Semel ay
nakipagsalitaan sa babae at kanyang kinuha ang sukat.
Kinalong ng babae ang pilay at nagsabing:
—Kunan ninyo ng dalawang sukat ito.
Igawa ninyo ng isang sapatos ang paang pilay at tatlo ang magaling, sapagka't
kambal ay magkapara ng sukat.
Pagkatapos na masukatan, ay nagtanong si Semel na nakatingin sa pilay:
—Anu po ang ikinapilay? Ipinanganak na pu bang ganyan?
—Hindi po, natuntungan ng kanyang ina.
Si Matrena, na nakakapakinig ng salitaan ay nakisagot.
—Sino ka,—aniya—at sinu-sino ang mga batang ito? Ina ka ba
nila?
—Ako'y hindi nila ina o kamag-anak man; sila'y mga inari kong anak.
—Diyata't pinakaiibig mong maigi ay hindi mga kadugo?
—Bakit hindi ko iibigin sila? Pinasuso ko Páhiná 35sila ng aking gatas. Ako'y nagkaanak ng
isang lalaki na kinuha sa akin ng Diyos; hindi ko totoong inibig na gaya ng mga
ito.
—Kanino ngang anak sila?
IX
Si Matrena ay nakipagsalitaan sa babaing yaon, na nanalaysay ng ganito;
—May anim na taon nang ulila sila. Ang ama ay namatay ng martes at ang ina
ay ng biyernes. Sila'y naulila sa ama bago naipanganak at ang kanilang ina ay hindi
nabuhay ng isang araw man lamang pagkapanganak sa kanila. Nuon nga ay nakatira kami
ng aking asawa sa nayong yaon, at sila'y aming kakapit-bahay. Ang ama'y gumagawa sa
gubatan, at nabuwalan ng isang punong-kahoy; nasaktan ng di kawasa na anupa't
pag-dating sa bahay ay inihandog ang kanyang kaluluwa sa Diyos. Ang kanyang asawa'y
nanganak pagkaraan ng tatlong araw, na ang mga ito ang naging anak. Mga kaawa-awa at
walang mag-andukha. Sa palibot ng kanilang higaan, ay walang hilot o alila; nanganak
na mag-isa. Dinalaw ko kinaumagahan, ako'y pumasok at aking natagpuang patay na Páhiná 36ang abang
babae. Pagkamatay ay nadaganan ang munti at napilay ang paa nito. Dinaluhan ng mga
tao, inayos ang bangkay, isinilid sa kabaong at ibinaon sa lupa. Ang mga kapitbahay
ay mabubuting tao, nguni't ang mga sanggol ay naulila at walang mag-andukha. Ako nga
ang tanging nag-alaga sa kanila; nagpapasuso ako ng aking panganay at ipinakisuso ko
sila. Ang mga mujik ay nagtitipon, nagsalitaan, nagsanggunian kung ano ang
marapat gawin sa kanila, at ito ang sinabi sa akin: